Paglisan ni Barbara

Nakasakay noon si Barbara sa jeep. Nakaagaw ng pansin niya ang dalawang lalaki na nakasalampak sa harapan ng isang konkretong bahay. Nakalatag ang bag na puno ng laman sa loob. Isa-isang nilalabas ng dalawang lalaki ang tila mga nakaw na cellphone. Sa mga mukha nila bakas na sila ay kuntento na sa kanilang mga nakuha. Pakiwari ay pinag-uusapan nila kung paano maibebenta ang mga iyon. Nagpatuloy sa pag-andar ang jeep. Go na pala. Sa pagharurot ng jeep, naisip ni Barbara na sa Pilipinas kailangan pang magnakaw ng iba sa kanyang mga kababayan upang maitawid ang pang araw-araw na pangangailangan o kaya naman ay masuportahan ang pamilya. Maaaring wala silang mapasukang trabaho kaya kumapit sa patalim o sadyang tamad lang talaga si Juan. Imbes na magbanat ng buto ay pinili niya ang madaling paraan upang kumita. Ano kaya ang tumatakbo sa isipan nila sa tuwing gagawin nila iyon o kaya ay nararamdaman kapag mayroon na silang maihahain sa mesa o perang ipapabaon sa kanilang anak sa eskwela kahit alam nilang ito ay galing sa nakaw? Hindi alam ni Barbara kung paano sisisirin ang lalim ng kanilang damdamin at ang dahilan bakit kailangan nilang pagsamantalahan ang iba na siyang nagbabanat ng buto at naghahanapbuhay upang mabuhay.

 

Naaalala niya tuloy ang kanyang naging kasintahan sa loob ng anim na buwan. Maikli kung tutuusin ngunit tila ang haba ng kalabaryo niya sa kanyang piling. Hindi niya maintindihan kung bakit palaging kailangan ni Lenin ng pera. Sabi niya ay may trabaho siya at may-ari ng isang computer shop sa kanilang probinsiya. Matalino si Lenin. Bihasa siya sa Ingles at masarap kausap. Mahilig din siyang magpatawa at malambing siyang tao. Kaya din siguro nahulog ang loob ni Barbara sa kanya ay dahil inaraw-araw siya ni Lenin habang nanliligaw pa lamang ito. Magkalayo kasi sila. Nasa Maynila si Barbara habang nasa Baguio naman si Lenin. Palaging inaantay ni Lenin si makauwi ng bahay si Barbara mula sa trabaho bago siya matulog. Sasamahan siya nito sa pamamagitan ng palagian nilang pagtetext habang nasa bus si Barbara. Noon lang uli nakaramdam si Barbara ng atensiyon mula sa isang lalaki. Masaya siya na mayroong naglalaan ng oras niya para sa kanya. Kung minsan ay tumatawag din si Lenin at nag-uusap sila ng matagal, minsan nga puyat na siya pero hindi pa rin binababa ang cellphone. Gusto pa ring marinig ang boses ng isa’t-isa. Kinakantahan pa siya ni Lenin, maganda rin kasi ang boses niya. Kahit magkalayo sila ay tila malapit lang ang kanilang mga diwa. Hindi naglaon ay nahulog din ang loob niya dito at hinayaan muli ang sarili na magmahal. Hindi niya inakala na magbabago ang takbo ng kanyang buhay kapiling si Lenin. Parang naging sunud-sunuran siya dito. Hindi niya rin maintindihan ang sarili bakit hindi niya ito matanggihan. Maya’t-maya ay humihiram ng pera. Laging dinadahilan ang shop. Mahina daw ang kita at kailangan daw niyang magbayad ng renta kung hindi isasara na daw ito. Naawa naman si Barbara. Noong araw na ng singilan na ipinangako niyang magbayad hindi na nagparamdam si Lenin. Hindi na rin makontak ni Barbara ang cellphone niya. Lumipas ang mga araw at muli siyang nagparamdam, parang walang nangyari. Naulit pa ang mga ganoong eksena hanggang sa napagod na si Barbara. Hindi na niya kaya ang mga pagsisinungaling ni Lenin sa kanya para lang makakuha ng pera. Minsan nga pinagnakawan pa siya nito. Nag-away sila ng matindi pero humantong pa rin sa pagbabati at pagpapatawad. Hindi pa niya kayang iwan si Lenin noon. Siguro nga matindi lang talaga ang pangangailangan niya. Ngunit may hangganan din ang lahat. Malimit silang nag-aaway. Palagi pa ring humihingi ng pera si Lenin. Minsan ang dahilan niya ay naghahanap siya ng trabaho. Minsan naman para lang magkita sila ni Lenin ay pinapadalhan niya ito ng pera. Dumating ang sandali na parang binuhusan ng malamig na tubig si Barbara na itigil na ang katangahan niya kay Lenin, na ginagamit lang siya nito upang makakuha ng pera. Nangako si Lenin na pupuntahan niya si Barbara. Mga ilang buwan na rin silang hindi nagkikita. Ang lagi niyang dahilan ay wala siyang pera. Magpadala daw siya para magkita sila. Sinusumpong ang migraine ni Barbara noon pero lumabas pa rin siya para magpadala ng pera kay Lenin. Matapos niya itong mapadalhan ay hindi na ito sumasagot sa mga text at tawag niya hanggang hindi na makontak ang cellphone niya. Naiyak sa galit si Barbara at naawa sa sarili. Mula noon nangako siya na hinding-hindi na paloloko kay Lenin. Parang nagkaroon ng 360 degree turn ika nga. Sabagay matagal na din siyang sanay na wala si Lenin. Magpaparamdam lamang siya kapag may kailangan.

 

Nabunutan ng tinik sa dibdib si Barbara. Matagal na din kasi iyong nakabaon sa kanya. Hinayaan niya lang mamalagi. Akala niya kaya niyang tiisin ang sakit na dulot nito pero hindi pala. Akala niya hindi niya kayang mabuhay ng wala si Lenin. Akala niya si Lenin lang ang tanging makakapagpaligaya sa kanya. Akala niya si Lenin na ang mapapangasawa niya at magiging ama ng kaniyang anak. Nais ng lisanin ni Barbara ang pait ng nakaraan. Nalaman niya na may mas higit pang pagmamahal: pagmamahal sa sarili.

 

Advertisements
Posted in: Uncategorized

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s